“Dinggin mo, karaingan ng ating mamamayan. Silang naghihirap sa ilalim ng kaapihan. Sila ang masa, dapat mong paglingkuran. Pilipino kang may Pananagutan.”
Marahil, minsan mong naririnig ang mga linyang ito mula sa isang kilalang awitin. Nguni’t napag-isip-isip mo na ba ang tunay na kahulugan nito sa iyong katauhan? Minsan ba’y naitanong mo sa iyong sarili kung ikaw ng ba ang Pilipinong si Juana dela Cruz? Ikaw ang ay Pilipino dahil dito ka isinilang at nanirahan sa Pilipinas. Nguni’t bukod dito, ano pa? Alalahanin mong hindi lamang ito ang buong kahulugan ng iyong pagka-Pilipino, Juana.
Suriin mo ang iyong sarili – sa pag-iisip, sa damdamin at sa pag-uugali – at sasabihin mong may dugong dayuhan na nananaig sa iyong buong katauhan. Sa iyong pang araw-araw na pamumuhay, pagmasdan mo ang iyong sarili. Paggising sa umaga, maghihilamas ka, gamit ang sabong St. Michael, magsisipilyo ng Colgate pagkatapos mong humigop ng mainit na Maxwell na kape o di kaya’y ng Anchor na gatas. Magbibihis ka ng pantalon mong Fiorucci at blusang Anne Klein, sabay suot ng sapatos na Oleg Cassini. Magpapabango ka ng Christian Dior, hihithit ng Marlboro (‘yung blue seal) at saka bibitbitin mo ang mga aklat ni Meigs, Koontz at iba pa. Ngayon sabihin mo sa akin kung nasaan ka, Juana. Halos sa kaduluduluhan ng iyong katauhan, waring di na mahagilap ang totoong ikaw.
Ano ang konsepto mo ng magandang Pilipina? Hindi ba yung maputi, matangkad, yung matangos ang ilong, yung tipong mestisa? ‘Yan na ba ang katangian ng Pilipino sa iyo ngayon? Ano sa iyo ang musika? Siyempre pa e di yung awitin ni Sheena Easton, Van Halen at iba pa. Korni sa iyo ang mga makahulugang awitin ni Freddie Aguilar at ng Asin. Aksaya ng panahon para sa iyo ang dumalo sa mga usapan na may kinalaman sa pulitika at ekonomiya – tutal, wala namang mangyayari. ‘Wa poise rin ang pagsama sa mga rally na nagpipilit ipaabot sa kinauukulan ang hinaing ng mga kababayan mo. Isang kaululan para sa iyo ang ilagay sa panganib ang iyong buhay sa mga ganitong pangmasang aksiyon at ang iyong pinagkakarangalang edukasyon sa loob ng apat na sulok ng unibersidad upang pagkatapos ay makapagtrabaho sa isa sa mga kumpanyang dayuhan. Matanong nga kita muli – ikaw nga ba ang Pilipinang si Juana dela Cruz? Hindi mo ba naisip na mayroong isang kaluluwang naliligaw sa iyong katauhan na kinukulong sa mga bisig hanggang sa dumating ang araw na hindi mo na matatakasan at hindi mo na makikilala ang iyong sarili – hindi mo na mararamdaman ang daloy ng dugong timawa na dapat ay mananalaytay sa iyo hanggang sa huling sandali. Aba, Juana, gumising ka, mataas na ang sikat ng araw sa silangan! Simulan mo nang hanapin ang iyong sarili nang matiyak mo na ikaw nga ay Pilipino.
Ano nga ba’ng nangyari at ang iyong pag-iisip at damdamin ay malayo na sa diwa ng pagiging Pilipino? Suriin mong maigi ang nangyayari sa paligid. Hindi mo ba natatandaan na noong una ka pa lamang tumuntong sa paaralan, ikaw ay naging isang bilanggo ng edukasyon na inihulma para magsilbi sa interes ng mga dayuhan? Itinuro sa iyo ang rimang Ingles na ‘A as in apple, C as in chocolates. S as in snow.” Itinuro sa iyo na dahil sa mga Thomasites. nagsimulang umunlad ang iyong bansa dahil binigyan ka ng edukasyong pampubliko at ibinahagi sa iyo ang kaisipian ng “demokrasya” at “sariling pamahalaan.” At kung hindi sa kanila, ika’y indio pa rin. Natatandaan mo ba ang mga librong nagsasabi na si Ferdinand Marcos at Ramon Magsaysay ang matatapang na tagapagtanggol ng iyong kalayaan at si Heneral Douglas MacArthur ay siyang nagpalaya sa iyong bayan laban sa mga kaaway nang tuparin niya ang kanyang kilalang pangakong “I shall return?” Natatandaan mo ba nang minsang sinabi ni Bb. Bartolome na pista opisyal ang ika-apat ng Hulyo dahil ito’y araw ng magandang pagkakaibigan ng mga Amerikano at Pilipino? At hindi mo rin makakalimutan ang singkuwenta sentimos na binayad mo para sa bawat salitang Pilipino na sinabi mo, nalimutan mo kasing Ingles dapat ang gamit na wika sa pakikipag-usap. Ang mga iyan at iba pang tagpi-tagping kaalaman na napulot mo sa iyong mga aklat ay unti-unting kumitil sa iyong diwang nasyonalismo. Tunay ngang sa edukasyong inihain sa iyo, natuto ka di lamang ng bagong wika kundi pati ng bagong kultura at pag-uugali.
Unti-unti kang naging bagong uri ng Amerikano, hawig kay Uncle Sam, kaya mula ulo hanggang talampakan, tatak Amerikano ang mababanaag sa iyo. Sa edukasyon ding ito, nawalay sa isipan mo ang kamalayang nasyonal, isang tagumpay para sa mga dayuhan upang mapatagal ang kanilang paghahari sa bayan. At ang higit na malala, kampanteng-kampante ang iyong magaling na pamahalaan at hinahayaang magpatuloy ang ganitong uri ng edukasyon na tumutugon lamang sa interes ng sakim na dayuhan. Hindi ba’t ang iyong pamahalaan, Juana dela Cruz, ay lumikha ng “Education Act of 1982” para sa tinutukoy na edukasyong tungo sa kaunlarang pambansa na dinikta ng mga Amerikano para magsilbi sa kanilang interes? Ang “Education Act” na ito ay sumasaklaw ng lahat ng nakuhang alamin at rekomendasyon ng dati pang Presidential Commission to Survey Philippine Education (PCSPE) ng 1969 na pinondohan ng Ford Corporation. Ang “Education Act of 1982” ay nagsasakatuparan ng tinatawag na “Ten-Year Educational Development Plan.” At para sa taong 1982 hanggang 1985, ang apat na taong programa na tinatawag na “Program for Decentralized Education” (PRODED) ang inimplementa na suportado ng World Bank. Ito’y binubuo ng apat na kategorya – pagbabago ng curriculum, mga materyal ng staff. Ang lahat ng ito ay nagsisilbing instrumento ng edukasyon para sa higit pang pagkontrol sa pag-iisip at kamalayan mo. Sa halagang isang daang milyong dolyar na “tulong” sa iyo, nabigyang-daan ang mga Amerikano para ipagpatuloy ang pang-aapi at pagsasamantala sa bayan.
Sa bagong sistema ng eduaksyon, ang mga dating asignatura ay gagawing apat na lamang: Ingles, Pilipino at Matematika, at edukasyong pangkapaligiran ang idadagdag. Kaunting oras lamang ang ilalaan para sa Pilipino at ito’y nangangahulugan ng suliranin sa komunikasyon at hadlang sa pagkintal ng diwang nasyonalismo. At ang higit na maimpluwensiyang paraan para matugunan ang mga pangangailangan at layunin ng imperyalismo ay ang “Textbook Development Program” na kung saan mga bagong aklat at iba pang materyal para sa pagtuturo ang ipapalaganap. Siyempre pa, naglalayon itong hubugin ang iyong buong katauhan upang ika’y maging alila. Ang sistema ng edukasyong ito sa ilalim ng World Bank Program ay isinagawa para sa murang halaga ng iyong bokasyonal at teknikal na manggagawa na lubos na kailangan ng mga kumpanyang transnasyonal.
Nakita mo na Juana kung papaano ka kinokondisyon para tanggapin ang dominasyon ng imperyalismong Estados Unidos. Nakita mo kung papaano ka hinuhubog para maging puppet at di maging sensitibo sa mga bagay na may kinalaman sa kapakanang nasyonal. Ngayon mapapag-isip-isip mo ang iba’t ibang klase ng panloloko na itinanim sa utak mo para mabuo ang ibang Juana dela Cruz. Gaya ng pagpapaniwala sa iyo na ang foreign investment at foreign loan ay makakatulong sa pag-unlad ng iyong bayan sapagka’t dala nito’y trabaho, limpak-limpak na dolyar at makabagong teknolohiya. Pero itinago ang mga masamang dulot nito gaya ng pagsara ng mga negosyong lokal dahil sa kumpetisyon, ang exemption nila sa pagbabayad ng buwis, ang paggamit nila ng local savings para sa kanilang negosyo. Itinago rin sa iyo ang katotohanan ng mababang suweldo, di maayos na pamumuhay para sa manggagawa, pagsiil ng karapatang unyon at ang malaking halaga ng dolyar na napupunta sa mararangyang produktong galing sa kanila para sa mayayaman. Itinago nila ang lahat ng ito para maipagpatuloy nila ang paghuhuthot ng kayamanan ng Pilipinas.
Maging ang kasaysayan ng iyong bayan, sa pamamagitan ng mga librong pinondohan ng World Bank ay minaliit. Hindi pinahalagahan ang magiting na pakikipaglaban ng masang Pilipino para sa kalayaan. Ang uri ng nasyonalismong iminulat sa iyo ay ang tangkilikin mo ang iyong katutubong sayaw, awit at literatura, at ang pagiging masipag, madasalin at malugod sa pagtanggap mo ng mga bisita. Mababaw na uri ng nasyonalismo ang tinuro sa iyo para hindi ka maging kritikal sa nangyayaring kabuktutan sa iyong paligid.
Ang higit pang masakit na dulot ng “Education Act of 1982” ay ang pagsiil ng mga pribilehiyo ng iba’t ibang sektor ng sistema ng edukasyon, at ang karapatang mamili ng nilalaman at paraan ng pagtuturo sa loob ng klase.
Hindi ito ang klase ng edukasyong kailangan mo, Juana. Kailangan mo ay yaong edukasyon na maghuhubog ng iyong isipan para sa pangangailangan ng iyong bansang minamahal – isang maka-Pilipinong edukasyon.
Ayon pa rin sa “Education Act of 1982,” Seksiyon 42, ang matrikula mo ay maaaring taasan hanggang 15 porsiyento taun-taon. Ito ay nagbibigay ng karapatan sa mga pribadong paaralan na magtaas ng matrikula nang walang limitasyon. E di paano ka na, Juana? Ang edukasyon mo’y isa nang pribilehiyo. Wala na bang nalalabi pa para sa’yo? Mayroon pa rin naman, Juana – ang karapatan mo na ipaglaban ang iyong kalayaang mamili ng uri ng edukasyong makakabuti sa iyo at sa iyong bayan. Kaya bumangon ka, kumilos ka! Huwag mong ipagkait sa bayan mo ang tanging naiiwan para sa iyo. Ipaglaban mo ang iyong karapatan. Buong tatag at walang takot kang makihamok upang mahanap mo ang nawawalang Juana dela Cruz. May tungkulin ka sa iyong sarili na magkaroon ka ng malaya at maka-Pilipinong edukasyon. Hindi mo ibig na maging alipin ka sa sarili mong bansa, di ba? Ang kailangan mo’y isang edukasyon para sa paggawa ng tunay na Pilipino, isang Pilipino para sa Pilipinas.