Categories
Headlines University

Lasallian East Asia District releases statement on Sereno ouster

Following the ouster of Chief Justice Maria Lourdes Sereno from the Supreme Court yesterday, May 11, Lasallian East Asia District (LEAD) Auxiliary Visitor for Philippines Br. Jose Mari Jimenez FSC released a statement, addressed to the Lasallian community, regarding the issue earlier this morning:

 

“Mga kapwa ko Lasalyano,

Nagdadalamhati ang ating Inang Bayan. Isang malaking paglapastangan sa ating Saligang Batas ang pasya ng Korte Suprema ukol sa quo warranto laban sa Punong Mahistrado, Ma. Lourdes Sereno. Hindi maitatago na ang mga kaganapang ito ay tugon lamang ng mga katiwala ng pangulo sa kanyang mga pahayag. Ipinaalala ng Punong Mahistrado sa pangulo na dapat igalang ang batas at kilalanin ang karapatang pantao ng bawat Pilipino. Sa kanyang tugon, binansagan ng pangulo ang Punong Mahistrado bilang kaaway. Malinaw na kagustuhan ng pangulo na mapatalsik ang Punong Mahistrado sa kanyang tungkulin. At ito na nga ang naganap. Tinalikuran ng ilang mahistrado ng ating Korte Suprema ang kanilang sinumpaang tungkulin na itaguyod ang Saligang Batas. Sa halip, kanilang dininig ang petisyon ng katiwala ng pangulo na mapawalang-bisa ang pagkakahirang kay Sereno bilang Punong Mahistrado.

Damayan natin ang ating Inang Bayan. Siya ay binigo ng pangulo na minsang nangako ng pagbabago. Ang tanging pagbabagong nagaganap ay ang unti-unting pagkawasak ng ating demokrasya. Pansinin ninyong sa Senado ay naipakulong ang pinakamatapang na manuligsa sa pangulo. Maging ang Mababang Kapulungan ay walang lakas upang papanagutin ang pangulo. Waring nagkaisa na ang lahat ng ating mga mambabatas na sang-ayunan na lamang ang anumang panukalang nais na isulong ng pangulo. At sa araw na ito, tayo ay iniwan ring ulila ng Korte Suprema. Wala na yatang nalalabing magtatanggol at magtataguyod ng ating Saligang Batas; sa ating demokrasya; at sa ating mga karapatan bilang Pilipino.

Sa panig ng Inang Bayan. Wala tayong pinapanigang pulitiko. Tayo ay nasa panig ng ating bayan, lalung-lalo na sa panig ng kanyang mga kabataan. Tayo na minsan nang dumanas sa pangangamkam ng kapangyarihan ng mga nagdaang pangulo ay hindi na papayag na muling maulit ito. Nais nating ipamana sa ating mga anak ang isang bayan na kung saan sila ay malaya na makapagpahayag at walang takot na makilahok sa pagpapanday ng maayos na pamahalaan sa ating bansa. Huwag nating isuko ang ating demokrasya.

Tumatangis ang Inang Bayan. Tumatangis man tayo ngayon, hindi naman tayo nag-iisa. Magsama-sama tayong magdamayan. Ipagpatuloy nating paigtingin ang kakayanan ng mga kabataan na maglingkod ng dalisay at walang pag-iimbot. At kahit talikuran ng iba ang kanilang tungkulin sa bayan, hindi natin muling isusuko sa iisang tao ang ating karapatan na likhain ang pagbabagong magpapatunay na ang lahing Pilipino ay mahusay, marangal at magiting.

 

Sumasainyo,
(sgd.)
Br. Jose Mari Jimenez FSC
Auxiliary Visitor for Philippines, LEAD”

The LaSallian

By The LaSallian

Leave a Reply